Mga pamilyang nasunugan at apektado ng malalaking alon sa Davao, siksikan sa evacuation center

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2019 11:27 PM

Ilang pamilya ang nagsisiksikan sa Zonta Elementary School sa Davao matapos sila masunugan at masiraan ng bahay dahil sa malalaking alon dala ng habagat.

Nagsisiksikan ang ilang pamilya sa isang paaralan sa Davao City na nagsisilbing evacuation center para sa mga nasunugan sa Isla Verde, Barangay 23-C nitong Biyernes.

Tinatayang 150 na mga bahay ang nasunog sa Purok 2 at 3 ng nasabing lugar.

Bukod sa mga bakwit na biktima ng sunog, may ilang pamilya din ang nakisiksik sa Zonta Elementary School matapos masira ang kanilang mga bahay dahil sa malalaking alon dala ng habagat.

Malapit lang ang Isla Verde sa dagat, kaya mas malakas ang hangin. Naging dahilan ito sa pagbilis ng kalat ng apoy.

Hindi pa rin nabubuksan ang mga classroom ng Zonta Elementary School dahil naghihintay pa ng utos mula sa mga awtoridad.

Posibleng muling maaapektuhan ang klase sa paaralan dahil sa mga bakwit.

Wala pang tiyak na bilang kung ilan ang mga pamilyang nasunugan pero mabibigyan ang lahat ng pinansyal na ayuda, sabi ng lokal na gobyerno.