Mag-live in partner na naglibing ng anak sa sariling bakuran, arestado

Joey Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2019 01:00 AM

Inaresto ang isang mag-live in partner matapos ilibing ang kanilang patay na anak sa sarili nilang bakuran sa Barangay Kauswagan, Cagayan de Oro City.

Ayon sa pulisya, inilibing ng mga suspek ang kanilang 9-buwang gulang na anak sa bakuran matapos mamatay ito dulot ng sakit. 

Kwento ni alyas Andres, Hulyo 17 ng lagnatin ang kanilang bunsong anak bago bawian ng buhay kinabukasan. 

"Hindi ko na naisipang humingi pa ng tulong dahil sa dami ng problema. Halos wala pa kaming makain at walang pera," ani Andres.

Mababaw lang ang hukay kaya ito nangamoy at nagdulot nag pagbulabog sa mga kapitbahay. Ayon sa residente na si Emilio Pilapil, nagduda ang kanyang pamilya na merong bangkay ng tao sa kanilang paligid kaya agad nila ito inireport sa barangay at mga pulis.

"Matindi talaga ang amoy, siguro mga dalawang linggo na namin 'yun tiniis," ani Pilapil.

Ayon sa pulisya, nilabag ng mag-live in partner ang Presidential Decree 856 o Code on Sanitation.

"Base sa batas, hindi pwede na kung saan na lang ilibing ang labi ng tao, kailangan na ilibing ito sa sementeryo," ani P/MSgt. Merlita Reyes ng Carmen Police Station.

May record umano ng pambubugbog sa kanyang mga anak si Andres sa tuwing nalalasing ito, kaya plano ng awtoridad na isailalim sa autopsy ang labi ng bata.

"Kung mapatunayan ng autopsy na may foul play at namatay ang bata dahil sa pambubugbog, maaaring masampahan ito ng parricide," ani Reyes.

Planong iturn-over sa lokal na pamahalaan ang tatlo pang maliliit na anak ng mag-live in partner habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.