Lalaking nagpanggap na pulis, kalaboso sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2019 04:52 AM | Updated as of Aug 16 2019 10:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Kalaboso ang isang lalaki sa Maynila nitong Huwebes matapos magpanggap na pulis nang sitahin dahil sa traffic violation.

Nagde-deliver ng aircon si Samuel Sy nang sitahin ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) dahil sa paglabag ng number coding scheme.

Ipinakita niya ang isang ID na nagsasabing miyembro siya ng Philippine National Police (PNP), pero nabuko ito dahil sa pagkakagawa ng ID.

Ayon kay Police Lt. Ed Alombro ng Manila police, malaki ang pagkakaiba ng tunay sa pekeng ID.

"Sa texture pa lang, malayo ang itsura sa printing, fake siya. T'saka tingnan mo 'yung logo, computerized. Tapos batch number kasi kung 0 ay officer so dapat 'yan o dash number e sa kanya 0 dire diretso," aniya.

Inalam ng PNP kung kasamahan ba talaga nila si Sy pero hindi lumabas ang pangalan nito sa database.

Napag-alaman tuloy na may warrant of arrest si Sy sa Quezon City noong 2018 para sa usurpation of authority.

Inamin ni Sy na peke ang kaniyang ID at ginawa niya ito dahil kailangan daw niyang magtrabaho para sa asawang dina-dialysis.

"Gumamit po ako ng ID na peke... Para iwas huli," aniya.—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.