PILA, Laguna - Umaksyon ang Laguna Police Intelligence Branch at Women and Children Protection Center sa sumbong ng isang nanay hinggil sa panghahalay umano sa kaniyang 13-anyos na anak.
Arestado sa ikinasang operasyon ang 18-anyos na part-time volleyball trainer sa loob ng kuwarto sa isang resort. Nasagip din ang Grade 7 na dalagitang kasama niya sa kwarto.
Ayon sa ina ng biktima, stalker umano ang suspek dahil alam nito kung saan naglalaro ng volleyball ang kaniyang anak.
“Kahit nga nung may paliga sa amin sa barangay alam niya, naging referee din siya doon. Kilala niya kasama namin sa bahay, yung kapatid ko kilala niya, yung mga bata na kasama namin sa bahay kilala niya siguro ako kilala din niya pati asawa ko kilala din niya,” pahayag ng ina ng dalagita na sumama sa entrapment operation.
Sa imbestigasyon, tatlong beses umanong pinagsamantalahan ng suspek ang biktima simula noong Hunyo. Panay din umano ang pagse-send sa chat ng suspek ng hubad niyang mga larawan sa biktima.
Hindi makapagsumbong ang biktima dahil pinagbantaan siya ng suspek na papatayin. Pero giit ng suspek, karelasyon niya ang biktima at hindi niya umano ito hinalay.
Nilaglag daw siya ng biktima nang madiskubre ng magulang ang pagkakaunawaan nila.
Pero ang ina ng biktima hindi naniniwala na may relasyon ang anak nito sa suspek.
“Kung talagang may relasyon sila di ba kung talagang meron ano, dapat irespeto niya yun hindi yung bababuyin niya,” giit ng ina ng biktima.
Humingi ng tawad ang suspek sa biktima at mga magulang nito.
“Alam ko may kasalanan din ako kaya humihingi ako ng pasensiya at sa anak niyo, yun lang ho,” pagsusumamo ng suspek.
Sa kabila nito, tuloy ang kasong rape at child abuse laban sa suspek.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga magulang na laging gabayan ang mga anak.
“Palagi pong subaybayan ang ating mga anak lalo na ang ating mga dalagang mga anak na laging titingnan ang kanilang activity at sa mga kabataan naman, pag kayo’y nabiktima ng krimen huwag po kayong mag-atubiling lumapit sa ating mga kapulisan,” ani Maj. Jojo Sabeniano, chief Public Information Office ng Laguna Police Provincial Office.
Mahaharap din ang suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act matapos makuhanan ng apat na sachet ng hinihinalang shabu.
Ayon sa Laguna PPO, kasapi ng Manambit Drug Group ang suspek. Itinanggi naman ito ng suspek maging ang nakuhang droga sa kaniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.