Balikbayan box na pinaghinalaang bomba sa EDSA-Shaw tunnel, styrofoam ang laman

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2019 11:57 AM | Updated as of Aug 16 2019 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA (UPDATE) - Bukas na muli sa mga motorista ang inner lanes ng EDSA Shaw Boulevard underpass sa Mandaluyong matapos itong isara dahil sa inabandonang balikbayan box.

Total lockdown ang ginawa ng Metropolitan Manila Development Authority at Philippine National Police sa lugar dahil sa kahina-hinalang kahon na nadiskubre ng mga street sweeper bandang alas-9 ng umaga.

Maging ang mga pedestrian sa overpass pinaalis din muna.

Tanging styrofoam lamang ang nakita ng mga street sweeper sa loob ng kahon pero hindi umano nila inusisa kung may laman ba ang ilalim nito kaya't nagpatawag na ng bomb technician.

Nilapitan ni Staff Sergeant Randy Ramos na nakasuot ng bomb suit ang kahon at kinabitan ng disruptor upang malaman kung may bomba ito o wala.

"Hindi naman mahirap kasi nag training naman kami. Pinag-aralan namin kung paano i-approach 'yan." sabi ni Ramos.

Buti na lamang at nagnegatibo ito sa bomba.

Sa kabila nito, hindi isinasantabi ng Explosives and Ordnance Division ang anumang uri ng bomb scare dahil mas malaking pinsala ito kapag nagpositibo.

Ayon kay Lourdes Campano, MMDA street sweeper, kung ano-ano ang inilalaglag sa underpass mula sa basura hanggang sa patay na aso.

"Ayan kasi hindi lang namin nakuha yan kasi wala kaming kariton na dala," sabi ni Campano.

Hindi pa ngayon alam kung sino ang nag-iwan ng kahon sa underpass.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.