PatrolPH

'Akyat-bahay' arestado sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2019 04:56 AM | Updated as of Aug 16 2019 08:01 PM

'Akyat-bahay' arestado sa Marikina 1

MAYNILA—Arestado nitong Huwebes ang isang lalaki na sangkot umano sa serye ng nakawan sa ilang kabahayan sa Marikina City.

Kinilala ang suspek na si Edward Decimo, 28 anyos, na nakulong na rin dati dahil sa pagnanakaw.

Ayon kay Police Capt. Jervies Soriano ng Marikina City police, may nagsumbong sa kanila ukol sa kahina-hinalang kilos ni Decimo sa lugar.

Watch more News on iWantTFC

"Tinanong taga-saan siya, pinapataas ang damit, tapos 'yun nga nag-resist siya. Tinulak ang isang pulis. Tumakbo na siya," aniya.

Naabutan ng mga pulis si Decimo sa Basalt St., Barangay Parang at nakuhanan siya ng isang kalibre .22 na baril.

Ayon sa pulisya, lider umano ang suspek sa isang grupo na sangkot sa "akyat-bahay."

"Magpapanggap sila na mangangalakal. 'Pag nagkaroon sila ng oportunidad, gagawin nila ang pagpasok sa bahay. Tapos 'yung mga nakukuha nilang gamit, ipagpapalit nila sa shabu," dagdag ni Soriano.

Nang magsagawa ng follow-up operation sa isang bahay sa Barangay Tumana, nakuha ng mga operatiba ang mga hinihinalang nakaw na gamit, mga bahagi ng lumang baril at drug paraphernalia. 

Kuwento ni Decimo, madalas nakainom sila at nakagamit ng shabu bago pagnakawan ang mga bahay. Nakaka-dalawa hanggang tatlong bahay sila sa isang gabi.

"Sa palengke binebenta po namin. Cellphone, relo, alahas, sapatos, damit, bike, pati nga po aso pagka 'di nangangagat kinukuha," aniya.

Mula Enero hanggang Hulyo nitong taon, halos 80 o mahigit kalahati ng mga naitalang crimes against property sa Marikina ay pagnanakaw, kabilang na ang akyat-bahay. 

Bukod sa unlawful possession of firearms, kinasuhan ang suspek ng resistance and disobedience to persons in authority.

"Magbabago po ako, paunti-unti," ani Decimo.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.