PatrolPH

'Pusher' na pulis na nambubugbog ng asawang buntis, arestado

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2018 05:57 AM | Updated as of Aug 16 2018 08:44 PM

Watch more on iWant or iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang isang pulis sa buy-bust operation sa Taguig City nitong Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si PO1 Jeremy Amador na kasalukuyan ay suspendido matapos mag-AWOL. Nakadestino siya ng 2 taon sa Taguig City police.

Narekober kay Amador ang P200,000 halaga ng hinihinalang shabu at isang kalibre .45 na baril.

Inireklamo siya ng kaniyang misis matapos ang higit 1 taon umanong pambubugbog nito dahil sa selos at tuwing nakagamit ng droga.

Tadtad ng pasa ang babae nang iharap ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

"Sinasaktan ako physically. Binubugbog ang ulo, katawan... lagi kaming nagtatalo tungkol doon kaya isa rin sa mga rason kung bakit ako nasasaktan," kuwento ng misis.

Watch more on iWant or iWantTFC

Naglakas-loob ang babae na magsumbong sa mga awtoridad.

Sa isinagawang drug test, nagpositibo si Amador sa shabu.

Ayon kay Chief Supt. Tomas Apolinario, director ng Souther Police District (SPD), kasama ang pulis sa isang grupo na sangkot sa ilegal na gawain.

"Meron siyang pinagkukuhaan at the same time meron siyang mga tao na possibly na kaniyang street distributors," aniya.

Mahaharap si Amador sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Dismayado naman si PNP chief Oscar Albayalde sa nangyari sa kabila ng pagpapaigiting ng kampanya kontra droga at internal cleansing.

"It's very frustrating nga ano, very disappointing kung bakit nakakapasok sa aming hanay 'yung mga ganito," aniya.

Balak ni Albayalde na ipa-drug test at paimbestigahan ang lahat ng batchmate ni Amador.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.