Inside job sinisilip na anggulo sa pagnanakaw ng mga hayop sa Avilon Zoo

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2018 12:06 PM | Updated as of Aug 16 2018 01:13 PM

Insde job ang isa sa anggulong tinitingnan sa pagtangay ng ilang endangered na hayop sa Avilon Zoo sa Rodriguez, Rizal noong Hunyo.

Ayon sa imbestigasyon ng pamunuan ng zoo, binuksan ang nakasusing hawla ng unggoy at ibon at maaaring marunong sa hayop ang nakakuha nito. 

Walang CCTV sa lugar kung saan ninakaw ang mga hayop kaya hindi nakita ang kawatan. 

"Iyung black palm cockatoo, 'yung padlock ginamitan ng susi at 'yung susi kinuha pa sa office," ayon sa Animal Transfer Coordinator ng zoo na si Anthony Belmonte. 

Noong Hunyo nabalitaang nawala ang mga sumusunod na hayop: 

• 3 mature red-footed tortoises
• 1 yellow-footed tortoise
• 1 mature common snapping turtle 

Sunod namang nawala ang isang brown tufted capuchin monkey at 3 black palm cockatoos sa mga sumunod pang linggo. 

Inisip nila noong una na maaaring nakawala lamang sa hawla ang mga hayop pero anila, malabo itong mangyari lalo na sa mga pagong. 

Aabot sa P2 milyon ang halaga ng mga tinangay na hayop, na sa zoo pa mismo pinalaki bilang parte ng isang conservation program. 

 

Nagsimula na rin ang imbestigasyon ng Rodriguez police sa posibleng pagkakakilanlan ng mga magnanakaw. 

Nangangamba na rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na baka ma-extinct ang mga hayop kaya nag-utos na rin sila ng imbestigasyon sa insidente. 

"Baka tuluyan nang maging extinct ang ganitong mga klaseng hayop kaya kailangan natin malaman san na talaga napunta," ani DENR Undersecretary Benny Antiporda. 

Kung may karagdagang impormasyon ukol sa mga ninakaw na endangered animals, maaaring tumawag sa (02) 213-1062. 

Sa ilalim ng Republic Act 9147, may pananagutan ang mga mahuhuling may hawak o sangkot sa bentahan ng mga endangered na hayop. 

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.