'Wanted' na tulak patay nang manlaban umano sa mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 09:21 AM

MAYNILA - Patay ang isang lalaking kabilang sa "Top 5 Most Wanted" ng Quezon City Police Station 11 matapos umanong manlaban sa mga pulis Martes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si alyas Junior na naisugod pa sa Delos Santos Medical Center, pero idineklara ding dead on arrival. Nasa drugs watchlist ng siyudad ang suspek, ayon sa mga awtoridad. 

Pasado alas-11:00 ng gabi nang magsagawa ang mga pulis ng buy-bust operation sa Barangay Tatalon. Nang makahalata ang suspek, agad itong nagpaputok sa mga pulis. 

"Pinaputukan niya agad 'yung mga pulis natin kaya gumanti sila ng putok," ani Supt. Christian dela Cruz, hepe ng Quezon Police District Station 11.

Narekober sa crime scene ang kalibre .45 na baril, ilang sachet ng hinihinalang shabu at marked money. Kamakailan lang nang lumaya mula sa piitan si Junior na may kasong kaugnay sa droga. 

Samantala, isang bangkay ng lalaki naman ang natagpuan sa isang madilim na eskenita sa Mapagbigay Street sa Barangay Pinyahan, Quezon City, Miyerkoles ng madaling araw. 

Hindi pa nakikilala ang biktima na nakasuot ng green na t-shirt at shorts at maraming tatô sa katawan. Ayon sa mga tanod, dayo lang sa lugar ang lalaki. 

Sa inisyal na imbestigasyon, posibleng hinabol ng riding-in-tandem gunmen ang biktima hanggang makarating sa lugar at saka doon pinagbabaril.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala. Posible umanong may kaugnayan ang pamamaril sa ilegal na droga.--ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.