'Tusok-hugot-hose' modus ng mga tow truck, muling inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 08:56 PM | Updated as of Aug 17 2017 12:46 AM

Tatlong driver ng truck ang nabiktima ng binansagang "tusok-hugot- hose" na modus operandi ng mga tow truck sa Quezon City.

Napasugod sa isang garahe sa Camachile, Brgy. Unang Sigaw sa Quezon City ang mga tauhan ng QC Traffic Sector 1 matapos makatanggap ng sumbong ng umano'y ilegal na paghila ng truck na DGD 070 Towing Services.

Ayon kay Chief Insp. Erlito Renegin, commander ng QC Traffic Sector 1, matagal na nilang binabantayan ang naturang towing service na madaling araw aniya bumibiyahe.

Perwisyo ang inabot ng ilang driver sa anila'y modus operandi ng towing services kung saan bubutasin at huhugutin ang hose ng krudo ng mga trak habang nakaparada o habang nasa traffic, na nagiging dahilan ng pagtirik ng trak.

Saka ito-tow at sisingilin ang driver. 

Kuwento ng driver na si Danilo Daluson, sakaling ma-tow, hihingin ng tauhan ng towing service ang kanilang lisensiya at kailangan nilang magbayad ng P700.

Bago pa masuri ng mga tauhan kung ano ang sira, ikinakabit na aniya sa wrecker ang kanilang trak. 

Kuwento pa ng driver na si Regie Payhinante, kaduda-duda na alam na agad ng towing service kung nasaan ang sira ng kanilang trak.

Ayon naman sa driver na si Rodolfo Ocial, bigla na lang huminto ang kanilang trak at kataka-takang nakasunod na sa likod nila ang towing service.

Oras na mahatak, aabot ng P9,500 hanggang P10,500 ang singil sa bawat trak.

Masuwerte namang nakaresponde na ang mga pulis nitong Miyerkoles bago pa makapagbigay ng pera ang mga driver.

Nauna nang nahuli ng QCPD Traffic Sector 1 ang dalawang towing company noong Hulyo 26 dahil sa kaparehong modus operandi.

Napag-alaman din na may isang driver na nabiktima rin ang tumawag sa 8888 para i-report ang modus operandi noong ika-6 ng Agosto.

Kinumpirma naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na awtorisadong towing service ang DGD 070 Towing Services pero hindi umano rehistrado sa ahensiya ang nakalagay na plate number sa trak. 

Ayon pa kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, hindi nila kukunsintihin ang ganitong maling gawain ng mga towing service.

Paalala ng MMDA, dapat alam ng mga motorista ang legal na pag-tow ng sasakyan.

Sa impounding area lamang dapat anila magbayad ng multa at hindi habang nasa kalsada pa.

Dapat ding may kasamang naka-unipormeng MMDA enforcer at hindi basta driver lang ng truck ang magto-tow. 

May lisensiya at provisional authority din dapat ang tow truck.

Isasailalim naman sa preventive suspension ang lahat ng unit ng DGD 070 Towing Services.
 
Posible ring kanselahin ang prangkisa ng mga trak sa oras na mapatunayan ang pagkakasangkot sa ilegal na gawain.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.