Tumatanggap ng 'tara' karamihan nasa Customs central office: Lacson

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 02:07 PM

Ibubunyag na ni Senador Panfilo Lacson sa susunod na pagdinig sa Senado ang hawak niyang listahan ng umano'y mga taga-Bureau of Customs (BoC) na tumatanggap ng tara para sa mga inilalabas na containers.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Lacson na hindi niya nailabas ang listahan sa pagdinig kahapon sa P6.4 bilyon shabu shipment mula China dahil tinapos agad ito ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Richard Gordon.

"Naiintindihan ko naman si Sen. Dick, napaka-passionate niyan. Minsan talaga hindi niya mabitiwan pagtatanong niya," sabi ni Lacson.

Ayon kay Lacson, nagkausap na sila ni Gordon at nangako naman sa kanya na uunahin siya sa susunod na pagdinig sa isyu sa Agosto 22.

Sinabi pa ni Lacson, tumatayong chairman din ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, karamihan sa listahan ay mga taga-BoC central office, partikular na sa Manila International Container Port.

Dagdag pa niya, matagal na sa kanya ang listahan pero hindi na muna niya ito inilabas hangga't hindi niya nabeberipika ito.

"Ito ay bina-validate ko, tanong muna sa ibang sources, mga nakakaalam sa loob, mga players din--magtatanong-tanong ka rin ano ba itong listahan na ito? Halos lahat sila kinonfirm, nagkatugma-tugma," sabi niya.

Kung susundin umano ang komputasyon ni Mark Taguba na P27,000, napakalaking pera umano ang pinaguusapan dito.

"Actually, yun, sa kanya lang yun. Sa iba minsan pumapalo ng P30,000 ang ginagastos. Saan napupunta?" tanong ni Lacson.

"10,000 containers sa P27,000, ang computation nga namin P98-billion isang taon. So wipeout yung deficit nating P147-billion sa loob lamang ng dalawang taon kung yung payola napupunta sa gubyerno," paliwanag niya.

Dagdag ni Lacson, mga ipinapasok na container pa lamang ang pinaguusapan dito at wala pa ang mga tara na natatanggap naman mula sa mga nagpapasok ng mga high-end na mga sasakyan.

Sabi niya, kanyang pinapakuha na ang datos tungkol din dito.

Paniwala ni Lacson, "selective" ang ibinigay na kuwento ni Taguba sa parehong Senado at Kongreso hinggil sa tunay na kaalaman niya sa kalakaran sa BoC.

"Medyo selective kaya nga sabi ko kulang yung kanyang nilahad doon sa Senado at sa Kongreso at may ibang hindi siya isinama," ani Lacson.

Hinggil naman kay BoC Commissioner Nicanor Faeldon at mga kasamahan nitong opisyal, marami umano din ang nagrerebelde na sa loob ng kagawaran dahil parang sinolo na nila ang lahat.

"Kung wala kang tiwala sa mga tao mo, paano aandar yung buong organization?" sabi ni Lacson.

Dagdag niya, "Siguro sa simula iniisip lang nila wala nga kaming tiwala sa ganyang kalakaran pero ok lang yun, unti-unti lalargahan mo. Ang problema, umabot na ng isang taon ganyan pa rin at mukhang pati sila kinain na ng sistema."

"Yun ang masakit," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.