Mga opisyal, pinagko-commute para maka-'relate' sa hirap

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 10:07 PM | Updated as of Aug 17 2017 02:24 AM

Inihain ang panukalang batas na layong obligahin ang mga inihalal at itinalagang opisyal ng gobyerno na gumamit ng pampublikong sasakyan papunta at pauwi ng trabaho.

Isinusulong ni AANGAT TAYO party-list Rep. Neil Abayon ang House Bill 6195 na nagtutulak sa mga opisyal ng gobyerno na mag-commute isang beses sa isang buwan tuwing rush hour.

Sakop ng panukala ang 'elected at appointed officials' mula sa division chief hanggang sa department secretary.

Ayon kay Rep. Abayon, layunin ng panukala na iparamdam sa mga opisyal ang hirap na nararanasan araw-araw ng mga pangkaraniwang commuter.

Sa pamamagitan daw nito, mas magiging epektibo silang public servant dahil mas mauunawaan nila ang hinaing ng ordinaryong mamamayan.

"The objective, so we can empathize with the riding public," ani Abayon.

Para sa ilang kongresista at Cabinet secretaries, wala namang problema kung kailangan nilang mag-commute papuntang opisina.

"If Congress will pass that, I don't mind doing [the commute], because I've been doing that while I was in government service. Sumasakay ako sa MRT, LRT," ani Labor Secretary Silvestre Bello III.

"Okay lang mag-commute once a month. Mas maiintidihan mo ang isang bagay kung mararanasan mo nang personal," pahayag naman ni Laguna Rep. Sol Aragones.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.