Judy Taguiwalo, ligwak sa DSWD

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 04:22 PM | Updated as of Aug 17 2017 12:02 AM

DSWD appointee, ikatlong taga-Cabinet na tinanggihan ng CA

Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo answers questions before the Commission on Appointments at the Philippine Senate on Wednesday. George Calvelo, ABS-CBN News

Hindi lumusot sa mga mambabatas ang appointment ni Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo matapos ang makailang ulit na ma-bypass ang kaniyang kompirmasyon bilang kalihim.

Bumoto ang karamihan sa mga miyembro ng Commission on Appointments laban sa pagkakatalaga kay Taguiwalo, ayon kay Davao Oriental Rep. Joel Almario, na namuno sa confirmation hearings. 

Hindi naman sinabi ni Almario kung ilan ang nakuhang boto pero aniya, naabot nila ang kinakailangang botong 13. 

Si Taguiwalo na ang ikatlong miyembro ng Gabinete na hindi kinompirma ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga. Bago ni Taguiwalo, hindi rin nakompirma si Perfecto Yasay para sa Department of Foreign Affairs, at si Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources. 

Hinirang si Taguiwalo ng Communist Party of the Philippines para sa Gabinete matapos sabihin ni Pangulong Duterte na hahayaan niya ang mga 'makakaliwa' na mamuno sa apat na kagawaran kung nanaisin nilang makibahagi sa gobyerno.

Kapwa na-bypass noong Marso ang kompirmasyon nina Taguiwalo at Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, isa ring nominado mula sa 'kaliwa'.

Sa pagtanggi sa appointment ni Taguiwalo, tanging ang appointment na lang nina Health Secretary Paulyn Ubial, Mariano, at Environment Secretary Roy Cimatu ang nakabinbin sa CA.

Hindi pa humaharap si Cimatu sa komisyon simula nang ma-appoint noong Mayo 8. Pinalitan niya si Lopez na inulan ng batikos sa kaniyang mahigpit na mga mandato kontra sa mga minahan sa kaniyang 10 buwang panunungkulan bilang kalihim.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.