Isnatser nahabol ng siklista, kinuyog ng taumbayan

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 09:19 AM

MAYNILA - Bugbog sarado ang isang lalaking nanghablot umano ng pitaka ng isang babae matapos kuyugin ng taumbayan sa Barangay 476, Zone 46 sa Sampaloc bandang alas-8:00 Martes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Kirch Kent Delasan, 19, na mabilis tumakas matapos tangayin ang pitaka ng biktimang si Claire Bernardino, 20, sa kanto ng Dapitan at Santander Street.

Ayon sa pulisya, isang nagbibisikletang lalaki ang nagmagandang loob na habulin ang suspek na inabutan naman niya sa kanto ng Bambang at Laong Laan Street.

Nang makorner ng tumulong na lalaki, kinuyog na ng taumbayan ang suspek. Narekober kay Delasan ang ninakaw na pitakang nagkakahalaga ng P5,000 at may lamang P220 cash.

Lumalabas sa rekord ng pulisya na may ilang araw pa lang mula nang lumabas mula sa kulungan ang suspek na dating nasangkot sa ilegal na droga. 

Aminado naman ang suspek sa nagawa dahil sa matinding pangangailangan ng pera. Ano't ano pa man, kakasuhan siya ng robbery, ayon sa mga pulis.--ulat ni April Rafales at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.