Driver ng tumagilid na cement mixer, kakasuhan

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 10:04 AM | Updated as of Aug 17 2017 12:51 AM

Inihahanda na ng awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa driver ng cement mixer na dumagan sa kotse sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa Quezon City, Martes ng hapon.

Ayon sa report ng DZMM, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property with homicide and multiple physical injuries ang driver ng cement truck na si Jason Muleta, 27.

Alas-4:30 ng hapon nang maganap ang aksidente sa Mindanao Avenue sa tapat ng gusali ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Barangay Bahay Toro.

Sa inisyal na ulat, nawalan umano ng preno ang truck kaya't nagdesisyon ang driver na ibangga ito sa center island.

Sa halip na tumigil, agad itong tumumba patagilid at saktong binagsakan ang puting sasakyan na may sakay na limang pasahero.

MMDA handout photo

Namatay sa aksidente ang driver ng puting sasakyan na nakilalang si Ulysses Ramos habang naisugod naman sa pagamutan ang 4 pang pasahero kabilang ang 3 bata.

Nakalabas na rin umano sa ospital ang mga biktima, habang sa Funeraria Paz sa G. Araneta sa Quezon City gaganapin ang burol ng nasawi.

Sabi in Muleta, matagal na siyang nagmamaneho ng truck. Siya umano ay tinuruan ng kanyang tatay na dati rin isang truck driver.

Dinala na ng awtoridad si Muleta upang mapa-medical.

Base sa nakitang kopya ng OR/CR ng DZMM, nakarehistro sa isang Sonny Nicario ng Olongapo City, Zambales ang cement mixer pero nakalagay sa markings ng truck ang Topstar Ready Concrete Incorporated na may address sa Mindanao Avenue, Barangay Ugong, Valenzuela City.

Nakaparada na sa gilid ng Quezon City Police District Traffic Sector 6 ang naturang cement mixer.

Ulat ni Fred Cipres, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.