Bangkay ng lalaki natagpuan sa kanal sa Coron, Palawan

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 07:00 PM

PALAWAN - Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa isang kanal sa Barangay Bintuan sa Coron noong Lunes.

Naagnas na ang bangkay nang makita ng mga pulis. Natagpuan rin ang isang abandonadong pulang tricycle malapit sa kung saan nakita ang bangkay.

May pangalang "JC Transport 2" ang tricycle na minamaneho umano ng isang "Nhoy."

Hindi pa natutukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng bangkay, ngunit isang araw bago matagpuan ang bangkay, nakatanggap umano ng report ang pulisya na isang tricycle ang nawawala.

Hindi umano bumalik ang drayber nito at bigo ring magbigay ng boundary sa pamamasada.

Iniimbestigahan pa ang naging sanhi ng pagkamatay. Tinitingnan rin ang kaugnayan ng abandonadong tricycle at ang naunang nai-report na nawawalang tricycle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.