7 patay sa mga pamamaril sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 09:47 AM | Updated as of Aug 17 2017 12:33 AM

2 biktima mula Marawi

MANILA - Hindi bababa sa 7 ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril at police operation sa lalawigan ng Cavite, mula Martes hanggang Miyerkoles ng umaga.

IMUS

Kabilang sa mga napaslang si Joey Miday, 35-anyos na construction worker, na pinagbabaril ng 2 lalaking naka-motorsiklo habang nakikipag-inuman siya sa Pasong Buaya II-ilaya sa Imus, Cavite.

Sugatan naman ang mga ka-inuman ni Miday na sina Arnold Lustre, 24; Crisanto Iglesia, 32; Allan Detalo, 20 at isang 16-anyos na lalaki.

Kasisimula lang magtrabaho ni Miday bilang construction worker. Ayon sa mga kakilala, wala silang maisip na motibo sa pamamaslang dito.

Samantala, binaril naman ng hindi nakilalang suspek ang 70-anyos na si Abelardo Sarreal na papauwi sakay ng owner type jeep sa katabing barangay ng Bucandala Uno.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima na nasa drugs watch list.

BACOOR

Pinagbabaril din si Rosendo Bulaon, 50, sa loob ng isang computer shop sa Veraville Subdivision, Barangay Dulong Bayan, Bacoor.

Bibili sana si Bulaon ng inumin sa tindahan nang sundan siya at makailang ulit na barilin ng 2 lalaking naka-itim na jacket at puting helmet.

Idineklarang dead on the spot si Bulaon habang tumakas naman ang mga gunman sakay ng motorsiklo.

Ayon sa barangay, sumuko si Bulaon noong 2016 sa ilalim ng programa para sa mga drug suspek pero hindi ito naging aktibo sa mga gawain ng barangay.

GENERAL MARIANO ALVAREZ

Namatay rin dahil sa pamamaril ang isang mag-asawa na lumikas sa General Mariano Alvarez mula sa Marawi City na kinubkob ng mga terorista.

Lulan ng motorsiklo ang gunman na pumaslang sa mag-asawang Ernest at Rona Jacob.

ROSARIO

Humantong naman sa engkuwentro ang paghahanap ng pulisya sa 2 sa 5 presong tumakas mula sa Rosario lock-up cell nitong nakaraang linggo.

Natunton ng mga pulis ang mga puganteng sina Josefino Abad at Lindon "Dokeng" Bartolo sa tabing-dagat ng Barangay Munzon II.

Pinaputukan at hinagisan umano ng granada nina Abad at Bartolo ang mga operatiba kaya napilitan ang mga ito na gumanti ng putok at mapatay ang mga pugante.

Nakuha sa 2 ang ilang armas at 5 pakete ng hinihinalang shabu.

Pinaghahanap pa rin ang 3 kapwa nila tumakas na preso. -- May ulat nina Anjo Bagaoisan, Noel Alamar at Eric Dastas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.