32 patay sa maghapon, magdamag na drug ops

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 06:09 PM | Updated as of Aug 17 2017 12:40 AM

Umabot na sa 32 ang napapatay sa isang araw na 'one-time, big-time' drug operation ng Bulacan-PNP sa buong lalawigan habang 109 ang naaresto. 

Sa datos ng Bulacan-PNP, 32 ang napatay sa engkuwentro sa 'one-time, big-time' ng Bulacan-PNP na nagsimula mula alas-12 ng umaga nitong Martes hanggang hatinggabi ngayong Miyerkoles. 

Nagkasa ng buy-bust operation ang San Rafael Bulacan-PNP sa isang sementeryo sa Barangay Balagtas BMA kung saan target nila ang itinuturong tulak na si Lorenzo Guittap alyas ‘Paa’.

May nakuha naman silang mga sachet ng shabu na nasa pakete ng sigarilyo nang kapkapan si Guittap. May narekober din na baril ang mga pulis. 

Dinala sa presinto si Guittap na aminado sa pagtutulak ng shabu.

Naaresto rin ng mga pulis si Ernesto Diaz na umamin sa paggamit ng ilegal na droga. 

Nauwi naman sa engkuwentro ang buy-bust operation sa Barangay Alagao, San Ildefonso Bulacan matapos manlaban umano ang target na si Joseph Gentolia nang malamang pulis ang katransaksiyon sa bentahan ng ilegal na droga.

Patay din ang maglive-in-partner na sina Alvin Marquez at Victoria Dela Cruz sa Barangay Atlag, Malolos Bulacan. 

Nakipagbarilan umano sila sa mga pulis nang hahainan sila ng search warrant. 

Isa ring alyas Quintin ang napatay sa engkuwentro sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Look 2nd.

Nanindigan naman ang Bulacan-PNP na lehitimo ang lahat ng kanilang operasyon na umabot na sa 66.

Target ng Bulacan-PNP na matukoy at maaresto ang mga suplayer ng droga ng kanilang mga naka-engkuwentro at nahuli. Nangako rin sila na mas paiigtingin pa ang kampanya kontra ilegal na droga. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.