Mag-anak patay matapos makuryente sa Pangasinan

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2016 02:25 PM | Updated as of Aug 16 2016 02:29 PM

Patay ang limang miyembro ng isang pamilya matapos makuryente Lunes ng gabi sa kanilang bahay sa Malasiqui, Pangasinan.

Natagpuan ang mga nakahandusay na biktima nang magtungo sa kanilang bahay ang isang maniningil ng pautang na agad ipinaalam ang insidente sa barangay. 

Nadatnan ng mga opsiyal ng barangay ang walang malay na ginang na si Rochelle Mendoza habang may hawak na alambre. 

Naitakbo pa sa ospital si Mendoza at kinakasamang si Ariel Olarco, gayundin ang mga anak nilang sina Gian, Michael at Henry pero idineklara silang dead on arrival.
 
Hinala ng mga pulis, nasabit sa saksakan ng kuryente ang alambreng hawak ni Mendoza. 

Maaari anilang hinila ng ibang kaanak ang ginang para sagipin, dahilan para makuryente rin sila. 

Ipinagpapalagay ring pinasok ng ulan ang bahay dahil basa ang sahig nito. 

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga kaanak ng mga biktimang tubong Dumaguete, Negros Occidental.