Budol-budol gang, timbog sa Bukidnon

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2016 02:44 PM

Nasakote ang apat na suspek na pinaghinalaang miyembro ng budol-budol gang. Kuha ng Malaybalay City PNP.

MALAYBALAY CITY, BUKIDNON - Nahuli sa isinagawang follow-up operation ang apat na suspek matapos dumulog sa Malaybalay City Police ang isang biktima ng budol-budol gang Linggo ng umaga.

Ayon kay Supt. Henry Dampal, hepe ng pulisya, inalok umano ng mga suspek na sumali sa kanilang negosyo ang biktima na may 20 porsyento na kita.

Bilang panimula sa negosyo, binigyan umano ang biktima ng malaking halaga ng pera na naka-rolyo kapalit nito ang mahigit limang libong pera at cellphone ng biktima.

Huli na nang namalayan ng biktima na budol-budol gang pala ang apat.

Dahil mabilis itong nakapagreport sa pulisya, agad silang nakapagsagawa ng follow-up operation.

Nahuli ang apat na suspek sa may Sayre Highway, Sumilao, Bukidnon sakay ang pulang Toyota Corolla.

Nakilala ang lider nga budol-budol gang na si Victoria Fernandez na taga Catmon, Cebu City.

Kasama sa mga nahuli ay sina Velbeth Fernandez, Deogracias Itang, at Remen Montecillo.

Narekober mula sa kanila ang pera ng biktima pero hindi na naibalik ang cellphone nito.

Ayon kay Supt. Dampal posibleng marami na ang nabiktima nga mga suspek matapos marekober mula sa kanilang ginamit na sasakyan ang mga klase-klaseng ID, ATM cards, mga laptop, pera at iba pa.

Inamin naman ng suspek na si Victoria na matagal na nila itong gawain.

Panawagan ngayon ng pulisya na dumulog sa Malaybalay City PNP ang iba pang nabiktima ng grupo.

Kahapon, sinampahan na ng kasong swindling o estafa ang apat na suspek.