PatrolPH

Fire truck tumaob habang rumeresponde sa sunog, 4 sugatan

Larize Lee, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2022 04:55 AM | Updated as of Aug 15 2022 02:27 PM

MAYNILA — Sugatan ang 4 na bumbero matapos bumangga at tumaob ang sinasakyang fire truck sa nakaparadang jeep sa may Pedro Gil, Lunes ng madaling araw.

Paresponde sana ang mga bumbero ng Manila Fire Department sa sunog sa Paco, Manila. 

Ayon sa driver ng jeep, nakaparada siya sa isang gas station nang bigla na lamang sumalpok ang fire truck sa kaniyang jeep at nakaladkad ito. 

Dinala sa ospital ang 4 na sugatan, habang ligtas naman ang driver ng jeep. 

Samantala, isang residente naman ang nasawi sa sunog na rerespondehan sana ng mga bombero. 

Hindi nakalabas ang 55-anyos na lalaking biktima na natutulog sa ika-2 palapag ng bahay nang sumiklab ang apoy, ayon kay Ronald Navarro, chairperson ng Barangay 815.

Pasado ala-1 ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog, na umabot sa ika-2 alarma bago naapula.

Inaalam pa ang pinagmulan ng apoy na tumupok sa 3 bahay na gawa sa light materials.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.