PatrolPH

Higit 14-K bagong kaso ng COVID-19 at unang kaso ng Lambda variant naitala sa PH

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2021 05:17 PM | Updated as of Aug 15 2021 06:10 PM

Watch more News on iWantTFC

Nasa 14,749 na mga bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Pilipinas kasabay ng pagkaka-detect sa kauna-unahang kaso ng Lambda variant sa bansa, sabi ngayong Linggo ng Department of Health (DOH).

Ang higit 14,700 bagong kaso ang ikalawang pinakamataas na dagdag na kaso sa bansa mula pa noong magsimula ang pandemya. May 3 laboratoryong hindi nakapagsumite ng datos.

Dahil dito, umakyat sa 1,741,616 ang kabuuang bilang ng nagka-COVID-19 sa bansa, kung saan 102,748 ang active cases o may sakit pa rin.

Ayon pa sa DOH, 270 naman ang dagdag sa mga namatay, na ika-5 sa pinakamataas na bilang na naitala sa loob ng 1 araw. Ito na rin ang ikatlong sunod na araw na lampas 200 ang mga bagong namatay.

Sa kabuuan, may 30,340 na ang namatay sa COVID-19 sa Pilipinas.

Nakapagtala naman ang DOH ng 10,720 bagong gumaling sa sakit para sa 1,608,528 total recoveries.

Samantala, kinumpirma ng DOH ang dagdag na COVID-19 variants, kabilang ang pinakaunang kaso ng Lambda variant.

Nakita ang Lambda variant sa isang 35 anyos na babae.

Inaalam pa ng DOH kung ang unang kaso ay returning overseas Filipino.

Ayon sa DOH, asymptomatic at gumaling na ang babae kasunod ng 10-day isolation period.

Ang Lambda variant ay unang naitala sa Peru noong Agosto 2020 at tinawag na variant of interest ng World Health Organization nitong Hunyo.

Binabantayan umano ang transmbissibility nito o kakayahang makahawa.

May dagdag ding 182 Delta variant cases, kung saan 112 ang local cases.

May dagdag na 41 Alpha variant, na unang na-detect sa United Kingdom habang may dagdag ding 66 Beta variant, na unang na-detect sa South Africa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.