2 nakamotor sugatan matapos sumalpok sa kotse

Kevin Alabaso, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2021 03:42 PM

Sugatan ang 2 lalaki matapos bumangga ang sinasakyan nilang motor sa isang kotse sa Quezon City
Sugatan ang 2 lalaki matapos bumangga ang sinasakyan nilang motor sa isang kotse sa Quezon City. Kevin Alabaso, ABS-CBN News

Dalawang lalaki ang sugatan matapos mabangga ng kanilang sinasakyang motor ang isang kotse pasado alas-12 ng tanghali nitong Linggo, Agosto 15, sa Quezon City.

Sa CCTV footage na nakuha ng ABS-CBN News, makikitang tumatawid ang kotseng sinasakyan ng doktor na si Aldreus Calabia sa intersection ng Mariveles Street at Nicanor Roxas Street sa Barangay San Isidro Labrador.

Nang mapunta na sa bandang kalagitnaan ng intersection ang kotse, bigla itong sinalpok ng motor na may sakay na dalawang lalaki.

Agad namang bumaba ang doktor na sakay ng kotse at humingi ng tulong sa mga malapit na residente.

Ayon sa mga rumespondeng tauhan ng Barangay San Isidro Labrador, nagtamo ng galos sa balikat at binti ang naka-angkas sa motor na kinilalang si Arjay Dellota. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kasamahan nitong nagmamaneho na nagtamo naman ng sugat sa ulo. 

Dagdag pa ng mga awtoridad, nag-alok ang doktor na tulungang ipagamot ang mga nasugatan sa insidente na isinugod sa De Los Santos Medical Center sa E. Rodriguez Sr. Avenue.