PatrolPH

‘Sana pantay’: Ilang tsuper napaiyak nang di makakuha ng SAP sa distribution deadline

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2020 06:41 PM | Updated as of Aug 15 2020 07:16 PM

‘Sana pantay’: Ilang tsuper napaiyak nang di makakuha ng SAP sa distribution deadline 1
Ang tsuper ng jeep na si Gildebrando Diolata, luha ang naisagot nang tanungin kung nakatanggap ng ayuda sa pamahalaan. ABS-CBN News

MAYNILA - Dumadaing ang ilang jeepney driver na hindi pa nakakakuha ng ayuda mula sa social amelioration program, sa nakatakdang huling araw ng distribusyon ng government cash aid. 

Ang tsuper ng jeep na si Gildebrando Diolata, luha ang naisagot nang tanungin kung nakatanggap ng ayuda sa pamahalaan. 

Bigo aniya siyang makatanggap noong unang tranche ng SAP at hindi pinalad sa ikalawang bugso. 

Watch more on iWantTFC

Ang hindi raw maintindihan ni Diolata, na halos 60 na at may asawang diabetic, ay kung bakit tila walang tumutugon sa kanilang mga daing. 

“Sa DSWD, ma’am, wala na kaming pag-asa, umaasa kami sa LTFRB dahil nu’ng pumunta ako ng DSWD ang sabi sa akin, wala sa kanila, nasa LTFRB. Ang sabi naman ng LTFRB, ipinasa na nila sa DSWD. Parang pinagpasa-pasahan lang po kami,” ani Diolata. 

Sa mahigit 120 drayber kabilang si Diolata, 10 lang ang naambunan ng ayuda. 

Nais man nilang pumasada na lang kaysa sa umapela ng tulong, hindi rin silang napayagan dahil sa pagpapatupad ng MECQ. 

“May magbibigay ng tig-5 kilo ng bigas o noodles, yun na lang pinagkakasya namin. Wala naman po kaming magawa,” ani Clenio Chua Jr., isang tsuper. 

Ganito rin ang sitwasyon sa Balintawak, Quezon City, kung saan nanlilimos ang ilang tsuper. 

Kuwento ng tsuper na si Antonio Parada, magkakalahating taon na siyang walang biyahe at ang ayudang inaasahan hindi pa rin nasisilayan. 

Hindi na rin umaasa ang isa pang tsuper na si Samuel Casibang na makakauha pa sila ng ayuda. 

"Dalawang araw nalang wala pa , di na aasahan yun. Kaya nagtitiyaga na lang kami manghingi,” ani Casibang. 

Watch more on iWantTFC

 ‘KAPOS PA RIN’

Samantala, nakatanggap ng ika-2 tranche ng ayuda ang ilang tsuper sa Rizal. 

Pero ang karamihan sa kanila, walang ayudang nakuha at humihiling pa ring makabalik sa pamamasada. 

Ayon sa mga tsuper, 3 lang sa kanila ang nakatanggap ng ika-2 bugso ng SAP. 

“Kapos pa rin sa pangbayad lang sa bahay tapos kuryente kulang na nga po, magkano lang naiwan sa amin nung ano, P500 plus lang, ginastos lang namin pang ano, sa loob ng bahay, sabon, bigas kulang pa rin,” ayon sa tsuper na si Jocel Aredno. 

Pinoproblema rin nila ang renta sa terminal na limang buwan na nilang hindi nababayaran. 

Bukod sa ayuda, hiling ng mga tsuper at operator na payagan na silang makabiyahe. 

Nauna nang sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target nilang matapos ang pamimigay ng SAP sa Agosto 15. 

Noong Biyernes, ipinaliwanag ng DSWD na low-income families ang basehan sa pamimigay ng SAP.

“We gave the identification of beneficiaries and barangays to the LGUs,” ani DSWD Asec. Joseline Niwane. 

Pero kung ito ang basehan, palaisipan para sa mga drayber kung bakit wala pa rin silang natatanggap. 

“Sana po pantay ang pagtingin nila,” maiyak-iyak na pahayag ni Diolata. 

Mahigit kalahating buwan na rin mula nang iutos ni Pangulong Duterte kung bakit may mga drayber na walang natatanggap na ayuda. 

— May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.