PatrolPH

Kapasidad ng private hospitals aaray umano sa pagtigil sa PhilHealth reimbursement

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2020 06:53 PM

Watch more on iWantTFC

Posibleng mapilitan ang ilang pribadong ospital na magbawas ng tatanggaping pasyente o tuluyan pang magsara sa gitna ng suspensyon ng advanced payments sa ilalim ng interim reimbursement mechanism (IRM) ng PhilHealth, babala ng isang grupo ng private hospitals. 

Paliwanag ng Private Hospitals Association of the Philippines, nakabase ang halaga ng pondo ng IRM na ibinibigay sa ospital sa PhilHealth claims nito noong nakaraang taon. 

Pantulong sana ito sa pagresponde ng health care providers sa mga may sakit sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

Ang ilang ospital, dito kinukuha ang pandagdag na bayad sa kuryente, pasuweldo sa mga tao, pambili ng mga gamot, at supplies.

“Kung mababawasan pa yung pera na mapapaikot ng mga ospital, especially the private, baka mabawasan pa 'yung rooms, at baka ang bubuksan na lang ay emergency room,” ani PHAP President Rustico Jimenez. 

Maaalalang sinuspende ang IRM hanggang maresolba ang mga isyu na inilatag sa mga pagdinig sa Senado at Kamara ukol sa isyu ng katiwalian sa PhilHealth. 

Dagdag pa ng isang pribadong ospital sa Leyte, mabuti sana kung maaga mag-reimburse ang PhilHealth sa kanilang claims. 

Ngayong taon lang, nasa P3 milyon ang naipong singilin ng ospital sa PhilHealth. 

"Kung tuloy-tuloy ang ganitong scenario definitely magko-collapse kasi continuous ang gastusin at hindi ganoon kalaki ang pumapasok na pera di natural magsasara ang mga ospital,” ani Dr. Nonoy Trumata, Medical Director ng Christ the Health Medical Hospital. 

Tiniyak naman ng PhilHealth na pinabibilis na ang proseso ng reimbursement ng claims ng ospital. 

Paglilinaw nito, suspendido man ang advanced payment sa ilalim ng IRM ay tuloy pa rin ang mga regular na benepisyong ipinagkakaloob sa mga pasyente. 

Kasama na rito ang mga inpatient benefits para sa mga COVID-19 cases, at mga package para sa COVID-19 testing at community isolation. 

Nanindigan din ang PhilHealth na legal at walang iregularidad sa paglalabas ng pondo sa ilalim ng IRM. 

“It’s not favoritism. It’s not inequitable. It’s based on historical claims in 2019. Three months worth of historical claims data. Yung iba mabilis, yung iba hindi, that depends kasi on the bilis ng pag-process sa side ng hospitals at sa PhilHealth,” anang tagapagsalita ng PhilHealth na si Dr. Shirley Domingo. 

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.