Road clearing operations, ipinatupad sa Naga City

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 11:47 AM

Giniba ang mga naharang na istruktura sa sidewalk bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-clear ang mga public roads. Rizza Mostar, ABS-CBN News

NAGA CITY – Sinimulan na ng binuong composite team ng lokal na pamahalaang lungsod ng Naga ang pagtibag sa mga istrukturang sagabal sa daan, Huwebes ng umaga.

Alinsunod ito sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte at ng Department of the Interior and Local Government na linisin ang mga nakaharang sa right of way ng kalsada.

Mismong si alkalde Nelson Legacion ang nanguna sa operasyon.

"May banta pa nga ang DILG na kung hindi susunod maaring suspendihin," pahayag ni Legacion.

Giniba ang mga waiting shed na delikado umano sa mga motorista. Ang mga sobrang bubong sa mga tindahan na natatakpan ang sidewalk, tinanggal rin.

"Napapakinabangan ‘yan kasi pag mainit o maulan diyan 'yung mga naghihintay ng mga masasakyan. Nabigla rin ako pero susunod na lang," sabi ni Anthony Volante.

Pinaalis naman ng Land Transportation Office ang mga ilegal na nakaparadang sasakyan.

Pero ang ibang dating nakapwesto sa target na lugar ng operasyon, kusang umalis na bago pa datnan ng task force tulad ng mga illegal vendors.

"Masaya ako na hindi na kailangang idemolish," dagdag ng alkalde.

Nauna nang pinulong ng lokal na pamahalaan ang lahat ng posibleng maapektuhan sa clearing operations.
 
Samantala, 14 ang target area ng clearing operations sa loob ng tatlong linggo.

Tiniyak ni Legacion na magiging mahigpit ang monitoring sa mga susunod na buwan para masigurong hindi bumalik ang mga pinaalis ng task force.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.