Miyembro umano ng kidnap-for-ransom group, napatay sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 06:16 AM | Updated as of Aug 15 2019 06:51 PM

MAYNILA—Patay matapos makipagbarilan sa mga pulis ang isang lalaki sa Barangay Loma de Gato, Marilao, Bulacan Huwebes ng madaling-araw.

Kinilala ang suspek na si Leo dela Fuente na kabilang umano sa isang kidnapping group na nambibiktima ng mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Watch more in iWant or TFC.tv

Modus ng grupo na kidnapin ang mga biktima at hingan ang kanilang pamilya ng malaking halaga kapalit ng kanilang kalayaan.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Guillermo Eleazar, nagsama-sama sila ng Police Regional Office 3, Anti-Kidnapping Group at Highway Patrol Group para sa operasyon na may isang taon ring ikinasa.

Nakuha sa bahay ng suspek ang 4 na long firearms, 4 na short firearms, at samu’t saring mga bala at granada.

Iniimbestigahan rin ang 3 sasakyan at 1 motorsiklo ng suspek na hinihinalang nakaw. May nakuha ring isang vault at pekeng uniporme ng pulis.

Patuloy ang inventory ng mga ebidensiya at accounting ng mga naaresto sa 4 na lugar pang kasabay na sinilbihan ng search warrant. Dalawa rito ang sa Bulacan rin at 2 naman sa Caloocan.—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.