Suspek sa pagkawala ng 2 Grab driver patay sa barilan sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 01:42 AM | Updated as of Aug 15 2019 07:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay sa engkuwentro noong Miyerkoles ang lalaking itinuturong suspek sa pagkawala ng 2 Grab driver lagpas 3 buwan na ang nakalilipas.

Natunton ng mga awtoridad sa Barangay Santol, Silang si Frankie Mark Serrano dahil sa mga sumbong ng concerned citizens.

Si Serrano ay dawit sa pagkawala ng 2 Grab driver mula noong Abril at sa pag-araro sa ilang sasakyan sa Maynila noong Mayo.

Sisilbihan sana ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Cavite ng arrest warrant si Serrano pero nanlaban umano ito at ginamit pa ang kaniyang kinakasama bilang human shield.

"Ginawa niyang cover para makatakas sa likod. May tropa tayong nakaabang sa likod. Pinaputukan niya ang tropa," ani Maj. Warly Bitog, hepe ng CIDG Cavite.

"Nag-resist po siya. May gumulong na granada kaya tumakbo kami palabas na," ani Bitog.

Nasagip ng mga pulis ang kinakasama ni Serrano.

Inaalam na rin ng pulisya kung sino ang may-ari ng isang blue na sasakyang nakaparada sa labas ng pinangyarihan ng engkuwentro.

Bukod sa pagkawala ng 2 driver at pag-araro sa mga sasakyan, dawit din umano si Serrano sa insidente ng pamamaril sa Imus, Cavite noong Mayo.

Patuloy na iimbestigahan ng pulisya ang mga kasong kinasasangkutan ni Serrano sa kabila ng kaniyang pagkamatay.

"Kung nakuha sana ng buhay, ma-solve sana sakaling aminin niya saan niya dinala ang mga biktima, 'yong sa Grab driver na nawawala pa rin," ani Bitog.

-- Ulat nina Bianca Dava at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.