Echague, Isabela isinailalim sa state of calamity dahil sa dengue

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 11:30 PM

Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Echague, Isabela dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue.

Sa tala ng Echague municipal health office, 319 na kaso ng dengue ang naiulat mula Enero 2019 hanggang Hulyo 2019. 

Dahil dito, isinailalim ang nasabing bayan sa state of calamity para mapigilan ang paglobo ng kaso ng nasabing sakit.

Ang mga barangay na naitalang mataas ang kaso ng dengue ay Rumang-ay, Fugu, Libertad, Silauan Sur, Silauan Norte, at San Fabian. 

Kalahati ng nakaconfine sa Echague District Hospital ospital ay dulot ng dengue, ayon kay Dr. Jun Garcia, medical officer ng ospital.

Gamit ang calamity fund, bumili na ang lokal na pamahalaan ng larvicide, isang uri ng insecticide laban sa lamok.

"Nag-allot kami ng pondo pambili ng larvicide at dengue kits," ani Echague Vice Mayor Amador Gaffud Jr.

Handa ang Echague District Hospital sa pagdagsa ng mga pasyenteng may dengue dahil sapat ang kanilang gamot at pasilidad. - Ulat ni Darlene Gemino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.