De Lima bumiyahe sa Bicol para bisitahin ang inang may sakit

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 04:05 AM | Updated as of Aug 15 2019 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Bumiyahe patungong Bicol nitong Huwebes ng madaling-araw si Sen. Leila de Lima upang bisitahin ang kaniyang inang may sakit.

Nakalabas ang convoy ng senadora alas-2:30 ng madaling-araw mula sa PNP Custodial Center at nakarating agad sa Terminal 4 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Nakatakda ang kaniyang flight ng alas-4:30 ng madaling-araw.

Base na rin sa kondisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court, hindi nagbigay ng anumang pahayag si De Lima.

Pinagbigyan ng 2 huwes mula sa Muntinlupa ang kaniyang hiling na bisitahin ang ina.

Walong oras lang siyang puwedeng mamalagi sa ospital ng kaniyang ina sa Iriga, Camarines Sur at dapat makabalik din siya sa Camp Crame sa Agosto 16.

Hindi ito ang unang beses na pinayagan si De Lima na lumabas ng kaniyang detention cell.

Pinayagan din siya na bumoto noong Mayo at dumalo sa thanksgiving dinner ng kaniyang anak na pumasa sa bar examinations nitong Hunyo.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News