ALAMIN: Batayan para mapa-blacklist ang isang dayuhan

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 11:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — May inilatag na mga batayan ang gobyerno para mapa-blacklist ang isang tao sa Pilipinas, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Unang-una sa lahat, tanging mga dayuhan o banyaga lamang ang maaaring ilagay sa "blacklist," sabi ni BI spokesperson Dana Sandoval sa "Usapang de Campanilla" noong Miyerkoles.

Batayan aniya sa pagpapa-blacklist ang paglabag sa Philippine Immigration Act, gaya na lang ng overstaying o pananatili sa bansa nang lagpas sa panahong ipinagkaloob sa kaniya.

"Ang proseso po kasi kapag nandito na sila sa loob ng bansa [when they committed the] immigration violation, we initiate deportation proceedings. Kapag po may deportation proceedings at napatunayang may violation po siya, we deport, kasabay po niyan we blacklist," paliwanag ni Sandoval.

Maaari rin aniyang ma-blacklist ang "undesirable aliens" o mga dayuhang posibleng banta sa pampublikong kaligtasan.

Giit pa ni Sandoval, hindi mawawala ang estadong "blacklist" ng isang dayuhan hangga't magbigay siya ng liham at ipaliwanag kung bakit hindi na siya dapat ituring na blacklisted.

"Hindi po iyan matatanggal unless i-request po nila na ipa-lift 'yung blacklist for meritorious reasons po na mapatunayan nila na wala na 'yung grounds for blacklisting sa kanila," ani Sandoval.

Pero ayon kay Sandoval, may panahon lang ang inilalaan para ma-file ang apela.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.