Umano'y lider ng criminal group sa Agusan del Norte arestado sa Cavite

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2018 08:59 PM

BUTUAN CITY - Arestado sa Amadeo, Cavite ang umano'y pinuno ng isang criminal group mula sa Barangay Dagatan dito.

Kinilala ang suspek na si Isagani Montesclaros na umano'y pinuno ng Montesclaros Group.

Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril, mga bala at tatlong ID na may iba't ibang pangalan.

May warrant of arrest sa kasong illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosives si Montesclaros matapos makita ng awtoridad ang mga nakatagong iba't ibang uri ng armas at pampasabog sa bahay nito noong nakaraang buwan.

Hindi inabutan ng pulisya si Montesclaros sa isinagawang raid.

Ayon sa Police Regional Office 13, si Montesclaros ay nasangkot sa robbery, extortion, at gun running at isa rin umanong gun-for-hire sa Caraga region.

Nasa kustodiya ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group ang suspek at dadalhin ito sa Agusan Del Norte para harapin ang mga kaso laban sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.