Biyahe ng MRT, naantala dahil sa hubad na lalaking tumakbo sa riles

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2018 11:16 AM | Updated as of Aug 15 2018 06:40 PM

MANILA - (UPDATE) Pansamantalang itinigil ang biyahe ng isang tren ng MRT sa Makati nang biglang magtatakbo sa riles ang isang taong grasa na hubo’t hubad, Miyerkoles.

Ayon sa pasaherong si Raymond Antazo, nakasakay siya sa tren na biyaheng northbound patungo ng MRT Ayala Station nang huminto ang tren dahil may isang lalaki na nakipagpatintero sa mga guwardiya sa pagitan ng mga istasyon ng Ayala at Magallanes.

Pinaputukan ng mga guwardiya ang lalaki dahil binabato umano sila nito, sabi ni Antazo.

Tinamaan sa paa ang lalaki at inalis ng mga rumespondeng guwardiya mula sa riles upang muling makabiyahe ang tren.

Makalipas ang sampung minuto, ibinalik na ang regular na operasyon ng MRT. 

Sa opisyal na report ng MRT hinggil sa insidente, 3 guwardiya at isang pulis ang rumesponde upang paalisin ang nakahubad na lalaki mula sa riles.

Street level ang riles kaya posibleng umakyat sa pader ang taong grasa, sabi ng mga opisyal ng MRT.

Ayon sa pamunuan ng MRT, agad na dinala sa Ospital ng Makati ang taong grasa habang sumuko naman sa mga pulis ang guwardiyang nagpaputok ng baril na nakilala bilang si Frederico Bustamante.

Dinepensehan rin ng pamunuan ng MRT ang ginawang aksyon ni ng guwardiya.

"With this incident, the DOTr MRT-3 would like to clarify that Bustamante's intent was not to kill the trespasser, but to immobilize the latter from inflicting more harm to civilians, and cause damage to vehicles passing by, since giving warning shots failed to control his behavior," ani ng pamunuan ng MRT sa isang pahayag.

"Again, the action done by the involved security personnel did not show any intention of killing the intruder, rather, to incapacitate him in order to control his aggressiveness," dagdag pa nito.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.