TINGNAN: Buhawi namataan sa dagat sa Ilocos Sur

Bryan Realgo,ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 03:50 PM

Namataan ang isang buhawing namuo sa dagat sa Ilocos Sur nitong Lunes ng hapon. Rayan Agbayani Realin

STA. CATALINA, Ilocos Sur – Ikinagulat ng mga residente ng Sitio Mindanao, Paratong sa bayang ito nang makakita ng buhawi sa dagat nitong Lunes.

Kuwento ng residente na si Remedios Rabena nagsimulang nabuo ang buhawi sa may hilagang bahagi ng dagat hanggang sa nagtungo ito sa timog na direksyon.

“Noon una dalawa yung nakita ko pero nawala yung isa. Habang umiikot parang tinatangay niya yung tubig at buhangin pero nang wala na itong mahigop naglaho na ito," ani Rabena.

Nagtagal ang buhawi ng lima hanggang sampung minuto, pagkatapos ay bigla din itong naglaho na sinundan ng malakas na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat.

Bukod sa bayan ng Sta Catalina, nakita rin ito sa bahagi ng San Vicente at Vigan City. 

Nangamba naman ang ilang mga residente na baka lumapit ito sa lupa at manalasa sa kanilang lugar.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ng Ilocos Sur, walang naipaalam sa kanila na idinulot na pinsala ng buhawi.

Paliwanag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, tornadic waterspouts ang nakita ng mga residente na kadalasan na nabubuo dahil sa mga cumulonimbus clouds.

"Tornado siya pero ang tawag ay waterspout dahil nag-originate siya sa dagat. Basta may cumulonimbus clouds yan ang ating babantayan. Napakadelikado, mas malakas pa siya sa bagyo although maliit lang yung diameter pero grabe ang hangin 450kph," ani Cynthia Iglesia, chief meteorologist ng PAGASA – Laoag City.

Paalala naman ng mga awtoridad, huwag lumapit kapag nakakakita ng nabubuong buhawi at agad na magtungo sa loob ng bahay.