Pulis na maghahatid ng anak sa paaralan, patay sa pananambang

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:07 AM

MANILA - Patay ang isang pulis na maghahatid lang sana ng anak sa paaralan makaraang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong gunman sa Ayala Boulevard sa Ermita, Maynila nitong Martes.

Batay sa kuha ng CCTV malapit sa Technological University of the Philippines (TUP), sakay ng 3 motorsiklo ang mga suspek nang barilin nila si PO3 Mark Anthony Peniano na kaangkas ang anak nito, pasado alas-8 ng umaga.

"Mabilis po masyado. Natumba na lang iyung motor namin ng daddy ko," kuwento ng anak ng 34-anyos na pulis sa panayam ng DZMM.

Dagdag naman ng isang saksi, "Nakita ko may pumutok na isang putok, tumalsik iyung pulis tapos bumaba ang gunman. Pinaputukan pa siya, mga 6 [na beses] siguro iyun."

Dead-on-the spot si Peniano na nakasuot pa ng uniporme.

Hindi naman nasaktan ang kanyang anak, pero natamaan ng ligaw na bala sa hita ang isang lalaking estudyante ng TUP.

Iniimbestigahan pa ang motibo ng pamamaslang sa pulis na nakatalaga sa station 3 ng Manila Police District.

Narekober sa crime scene ang ilang bala ng kalibre .45 na baril.

Pansamantala namang nagsikip ang trapik sa lugar dahil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.