Pautang para sa mga apektado ng bird flu, makukuha sa susunod na linggo

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 12:21 PM

Makikinabang sa 'survival loan' package sa susunod na linggo ang mga nag-aalaga ng manok at iba pang ibon sa mga lugar na apektado ng bird flu outbreak sa Pampanga, ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol nitong Martes. 

Mayroong P50 milyong pondona itinalaga ang gobyerno sa Rural Bank of San Luis kung saan maaaring makinabang sa P5,000 tulong pinansiyal, at maaaring makahiram ng hanggang P20,000, ani Piñol sa DZMM. 

Babayaran din ng P80 kada kakataying manok ang mga nag-aalaga nito.

Kinokontrol ngayon ang bird flu outbreak sa San Carlos at Sta. Rita, ngunit kinakatay din ang ibat-ibang uri ng ibon at manok mula sa mga kalapit-barangay ng San Pedro, San Simon, Lahug, at Sta. Maria, ani Piñol.

Bawal din ang pagbibiyahe ng mga ibon at manok mula Luzon patungong Visayas at Mindanao. Kapag wala nang ibong nagkasakit matapos ang 21 araw, saka tatanggalin ang ban na ito. 

"Humihingi kami ng pang-unawa dahil this is a matter of survival of the poultry industry of the Philippines. Kapag ito ay kumalat sa buong Pilipinas, hindi na tayo makakapagexport," apela ni Piñol. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.