Kunwari'y gustong mag-workout, salisi pala sa gym

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:18 PM

Nakunan sa CCTV ang pananalisi ng isang lalaking kunwari'y gusto lang mag-workout sa gym.

Viral na sa social media ang video na kuha sa isang gym sa San Jose del Monte, Bulacan.

Makikita sa video ang lalaking nakasuot ng itim na sando at printed na shorts. Binuksan niya ang locker at dahan-dahang ginalaw ang bag sa loob.

Ayon sa may-ari ng gym, ninakawan ng kawatan ang isa nilang miyembro at natangay umano ang P5,000.

Nakuhanan din ng CCTV sa isang gym sa Montalban, Rizal ang lalaking nakasuot ng kaparehas na sando at shorts noong Agosto 5.

Nagmamasid-masid ang lalaki hanggang sa lapitan ang cabinet at pasimpleng binuksan ang isang bag. Kita ring tinangay ng lalaki ang cellphone at saka kumaripas palabas ng gym.

Ayon sa may-ari na gym na si Jenro de Dios, walang I.D. na ipinakita ang lalaki nang pumasok siya sa gym. Hindi na rin nila napansin ang pag-alis niya dahil abala sila noon.

Samantala, isa pang community gym sa Quezon City ang dinayo noong Martes ng parehong lalaking suot pa rin ang parehong damit.

Hindi nahagip sa CCTV pero ayon sa isang nakakita sa suspek, lumapit ang lalaki sa cabinet at mabilis na ginalaw ang mga bag. Nakuhanan ng retrato ng isang gym member ang lalaki.

Pagkatapos ng ilang minuto, nagmamadali siyang bumaba sa hagdan bitbit ang isang bag. 

Kuwento ng gym instructor, tinangay na umano ng lalaki ang pera at mga ATM card ng isa nilang miyembro.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga may-ari ng gym na huwag maging kampante at kilatising mabuti ang mga pumapasok sa loob ng gym. 

Hindi pa nahuhuli sa ngayon ang lalaki.

Ipinanawagan naman sa publiko na agad ipagbigay-alam sa pulisya sakaling makita muli ang lalaki na pagala-gala sa mga gym.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.