Kilalang abugado sa Puerto Princesa, patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 03:40 PM

Isang kilalang abugado sa Puerto Princesa ang namatay matapos pagbabarilin Martes ng umaga.

Nakahandusay na sa damuhan habang duguan ang bandang likuran ni Atty. Hermie Aban nang marespondehan ng awtoridad, pasado alas-9 kaninang umaga.

Nasa tabi pa nito ang minamanehong motorsiklo at ilang bitbit na gamit.

Agad naman itong dinala sa malapit na ospital pero binawian na rin buhay, ayon sa pulisya.

May 200 metro naman mula sa pwesto ni Atty. Aban natagpuan ang dalawang basyo ng bala ng kalibre 45.

Ayon sa tenant ng isang apartment kung saan nagsimula ang putukan, nakarinig umano siya ng 4 na magkakasunod na putok na inakala niyang mga sirang transformer ng kuryente.

"Papasok po ako ng gate may narinig akong putok. Akala ko ay transformer ng poste ng PALECO sa labas kaso sabi ng kapitbahay ko baril daw," ani Bea Hachero.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Mendoza Police, maaaring inabangan ang biktima mula sa kanyang bahay. Nang makahanap umano ng tiyempo ay sinundan ito saka pinagbabaril.

Sa tama umano ng mga bala sa likurang parte ni Aban ay balak talaga umano itong patayin ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at naka-closed face helmet.

"Balak talaga siyang patayin kasi kahit patakas na binabaril pa rin," sabi ni SPO2 Eustaqiuo Ferrer, imbestigador ng kaso.

Kilala si Atty. Aban na isa sa mga matalik na kaibigan ni Vice Mayor Luis Marcaida III. Humawak rin ito ng illegal drug cases sa Puerto Princesa na nagtatanggol sa mga akusado.

Si Aban rin ang abugado ng magkapatid na Reyes na itinuturong mastermind sa pagpatay sa environmentalist at broadcaster na si Dr. Gerry Ortega.

Mayroon pa ring nakasalang na disbarment case si Aban dahil isa umano siya sa naging kasangkapan sa pagtakas noon ng mga Reyes sa kinakaharap nitong kaso sa bansa.

Inaalam na ng awtoridad kung ano ang naging motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.