Iba't ibang uri ng plastic, ipinagbawal sa Palawan Provincial Jail

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 11:21 PM

PUERTO PRINCESA, Palawan - Mahigpit na ipinatutupad ngayon sa Palawan Provincial Jail ang pagbabawal sa pagdadala ng anumang uri ng non-biodegradable food packaging gaya ng plastic, cellophane at styrofoam.

Ipinatupad ang bagong polisiya matapos pirmahan ng lokal na pamahalaan ang Provincial Government Executive Order No. 42 o ang Zero Waste Capitol Project na naglalayon na bawasan ang pagkakalat ng plastic sa Palawan.

"'Kung hindi natin tutulungan ang gobyerno na mai-save ang mga plastic na ito kung saan lang mapunta. Mas maganda na dito pa lang sa jail, ma-control na natin," ani Jose Sany Rabago, Assistant Provincial Warden ng Provincial Jail Management Division.

Bukod sa mga dumadalaw, maging ang mga nagtitinda at mga empleyado ng kulungan ay pinagbabawalan din na magdala ng plastic.

Ayon kay Rabago, desidido ang pamunuan ng provincial jail na ipatupad ang polisiya kontra plastic bagamat nakatatanggap sila ng mga negatibong reaksyon mula sa mga dalaw at pamilya ng mga detenado.

Samantala, para masigurong mailalabas lahat ng naipasok na plastic sa loob ng provincial jail, inatasan ang ilang bilanggo na mag-ipon ng mga plastic.

"Yung ating itinalagang plastic man, from time to time nakakaipon sila ng dalawang sako ng mga plastic," ani Rabago.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.