Hinihinalang carnapper patay, 1 kasama sugatan sa engkuwentro sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:30 PM

BACOLOD -- Isang hinihinalang miyembro ng roberry-carnapping group ang namatay, habang isa pa ang sugatan matapos makipag-engkuwentro laban sa mga pulis sa Barangay Taculing, Lunes.

Namatay si Mark John Pabila dahil sa mga tinamong tama ng baril, habang nabuhay naman ang kasamahan nitong hindi pa pinapangalanan ng mga awtoridad.

Ayon kay S/Insp. Jovil Sedel, ilang pulis mula sa Station 6 ang mag-iinspeksiyon sana ng isang abandonadong bahay sa loob ng Doña Juliana Subdivision matapos makatanggap ng report na may mga kahina-hinalang aktibidad sa loob ng nasabing bahay.

Saad ni Sedel, papasukin na sana ng mga pulis ang compound ng biglang makarinig ng mga putok ng baril mula sa looban.

Matapos ang mga putok ng baril, lumabas mula sa compound ang 2 armadong lalaki at pinaulanan ng bala ang mga pulis, dagdag ni Sedel.

Ayon sa mga pulis, armado ng kalibre-.38 na revolver ang 2 suspek na kilalang mga miyembro ng grupo ng mga magnanakaw at carnapper dito sa lungsod at mga kalapit na bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.