Binatilyong ipinasok sa 'internet rehab center,' patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:57 PM | Updated as of Aug 15 2017 11:45 PM

Patay ang isang binatilyong Tsino, dalawang araw matapos siyang ipasok ng kaniyang mga magulang sa isang rehab center para sa mga adik sa internet.

Ayon sa ina ng biktima, laking gulat nilang mag-asawa nang tawagan sila ng rehab center at papuntahin sa isang morgue para kunin ang bangkay ng kanilang anak.

Lalong hindi matanggap ng mga magulang na tadtad ng sugat at pasa ang katawan ng binatilyo.

Ayon sa mag-asawa, mabuting bata naman ang kanilang anak, pero ipinasok nila sa rehab dahil halos wala na raw ibang gustong gawin ang binatilyo kundi mag-internet.

Naengganyo silang ipasok sa rehab center ang anak dahil nakalagay umano sa website nito na tinutulungan nilang magbago ang mga lulong sa internet sa pamamagitan ng counseling at training.

Malinaw din daw na nakasaad sa website ng rehab center na hindi sila gumagamit ng corporeal punishment, o mga parusang tulad ng pamamalo at pananakit.

Dumulog na sa mga awtoridad ang mga magulang ng biktima para imbestigahan ang pagkamatay ng binatilyo.

Wala namang sagot pa sa insidente ang rehab center.

Sa tala ng China Internet Network Information Center, nasa 730 milyon ang internet users sa Tsina. -- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.