2 pasyente, sinusuri kung may bird flu; flu vaccine, di panlaban sa bird flu

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 11:06 PM | Updated as of Aug 16 2017 03:12 AM

Binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ang dalawang pasyenteng hinihinalang nahawa ng bird flu sa Pampanga. 

Sa 20 trabahador ng poultry farms na apektado ng bird flu sa Pampanga, dalawa ang nagkaroon ng sintomas ng trangkaso.

Ayon kay Dr. Eric Tayag, direktor ng DOH, Bureau of Local Health Systems Development, hindi man kumpleto ang mga sintomas ng trangkaso sa parehong pasyente, susuriin pa rin muna nila kung ano ang sakit ng dalawa.

Tumanggi ang DOH na pangalanan at ibigay ang iba pang detalye sa dalawang hinihinalang kaso ng bird flu, pero naka-isolate na sila ngayon sa isang ospital. 

Ayon sa DOH, mahirap mahawa ng bird flu ang tao, pero posible ito kaya kailangan pa ring mag-ingat.

Hindi rin dapat mangamba sa pagkalat ng bird flu sa mga tao dahil hindi aniya posible ang "human-to-human transmission" o ang paglipat ng virus mula sa isang pasyente papunta sa isa pang indibidwal.

Dagdag pa ng DOH, hindi panlaban sa bird flu ang flu vaccine, pero kaya nitong magbigay proteksiyon sakaling magsama ang dalawang klase ng influenza virus.

Sa Miyerkoles lalabas ang resulta kung may bird flu virus ang dalawang pasyente.

Nakahanda rin ang DOH kung magpositibo man ang dalawang pasyente sa bird flu dahil may mga gamot na silang nakahanda para rito. -- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.