Tunnel sa Quezon, gumuho; 1 patay, 5 nawawala

Ronilo Dagos, DZMM

Posted at Aug 15 2016 10:02 AM

MANILA - Patay ang isang manggagawa habang pinaghahanap pa ang lima niyang kasamahan matapos gumuho ang tunnel ng itinatayong dam sa General Nakar, Quezon.

Kinumpirma Lunes ng Municapal Disaster Risk Reduction & Management Council (MDRRMC) na kasagsagan ng pag-ulan noong Sabado nang masira ang cofferdam o dam tunnel sa Sitio Sumat, Barangay Umiray.

Natabunan ng guho ang mga manggagawang sina Roland Sanchez, Danny Harnois, Simion Sig-Od, Ferdie Sanadad, David Guiage, at Zenith Picat.

Inaalam pa kung sino sa kanila ang nalunod dahil sa aksidente.

Nakaligtas naman ang kasamahan nilang si Salvador Pacling.

Napag-alaman na ang mga biktima ay pawang mga minerong inarkila ng Cavdeal International Construction, na gumagawa ng waterways sa Umiray River sa kabundukan ng Sierra Madre patungo sa Angat Dam sa Bulacan.