Piniratang CDs at DVDs, nasamsam sa raid sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2016 07:45 PM

Nag-lunsad ng isang raid ang Optical Media Board katuwang ang PNP CIDG-Palawan laban sa piniratang CDs at DVDs sa Puerto Princesa. Kuha ni Rex Ruta, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA - Sabay na ni-raid ng Optical Media Board katuwang ang Philippine National Police CIDG-Palawan ang Old at New Market sa Puerto Princesa. 

Hindi na nakapalag ang mga nagtitinda nang ilagay sa sako ang kanilang mga panindang CDs at DVDs.

Kahit may mga nakatunog sa operasyon at nakapagsara ng tindahan, binuksan pa rin ito ng mga tauhan ng OMB.

May ilang umalma dahil hindi raw makatao ang ginawang raid para sa kanilang naghahanap-buhay.

Pero ang Arkadia, ang kilalang video game shop sa lungsod, ang pinakamalaking target.

Naka-display pa kasi ang mga panindang pirated CDs/DVDs ng movies, music, at computer games.

Naniniwala rin ang OMB na may makinarya ang establisyemento na ginagamit para makagawa ng replica ng mga orihinal na CDs.

At dahil sa may mga naabutan rin silang mga kabataang nasa mini-theater, isasama rin ito sa imbestigasyon.

Matagal nang inaalmahan ng mga lehitimong negosyante at ng mga nasa film at music industry ang pamimirata ng kanilang mga obra.

Dadaan sa imbentaryo ang mga nakumpiskang mga pirated CDs at DVDs at ihahanda ang mga kasong isasampa sa mga namimirata.