'Nanlaban' din: 5 patay sa Payatas buy-bust

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2016 09:38 AM

MANILA - Patay ang limang hinihinalang tulak-droga matapos manlaban umano sa mga pulis sa buy-bust operation sa Payatas, Quezon City.

Sinasabing mga notoryus na drug supplier sa Payatas at mga karatig-lugar ang mga suspek.

Kabilang sa mga napatay ang mga lider ng grupo na sina alyas Erwin at Longhair. Hindi pa nakikilala ang tatlo pa nilang napaslang na kasama.

Ayon kay Superintendent Lito Patay ng Quezon City Station 6, matagal na nilang minamanmanan ang hinihinalang drug den ng mga suspek.

Marami anyang pakete ng hinihinalang shabu na nakumpiska mula sa lugar, kasama ng ilang armas.

Hindi muna pinapasok ang media sa tinaguriang drug den dahil masyado pa umanong delikado rito.

Nagpapatuloy naman ang imbentaryo sa mga nasamsam na armas at bawal na gamot. Inaalam din ng pulisya kung may iba pang mga suspek na napatay sa engkwentro.

Nag-iwan naman ng babala si Patay sa mga sangkot sa droga. Anya, "Sumuko na sila; hindi 'yung pabago-bago. Dapat ay magbago na sila."