Mag-asawa binaril ng 'basted' na manliligaw ng anak

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2016 04:24 PM

Dalagang niligawan, sugatan; suspek, nagpakamatay


Patay ang isang mag-asawa matapos silang barilin ng manliligaw na tinanggihan ng kanilang anak sa Nagcarlan, Laguna Lunes. 

Nagpakamatay naman ang suspek na nakilalang si Richard Montero, isang security guard sa Municipal Circuit Trial Court. 

Ayon sa pulisya, ginamit ni Montero ang kanyang service firearm para barilin ang mga biktima sa kanilang bahay sa Barangay Poblacion II. 

Nasugatan ang dalagang niligawan ng suspek habang dead on the spot ang mga magulang nitong sina Feliciano at Lorna Doria. 

Mabilis namang nakaresponde ang mga nagpapatrolyang pulis na nakorner si Montero. 

Pinaputukan ni Montero si SP01 Fermin Tolbe, kaya binaril ng pulis ang paa ng suspek para hindi ito makatakbo. 

Pero binaril ng suspek ang sarili bago pa makalapit ang mga awtoridad. 

Idineklara si Montero na dead on arrival sa ospital. -- Ulat ni Ronilo Dagos, DZMM