Buhawi nanalasa rin sa QC; residente muntik nang matangay

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2016 10:05 AM

Umabot sa Quezon City ang buhawing nanalasa sa Maynila nitong Linggo ng hapon.

Nabiyak ng malakas na hangin ang pundasyon ng poste ng Manila Electric Company (Meralco) sa Barangay Santol, dahilan para mawalan ng kuryente ang mahigit 500 bahay.

Agad namang pinalitan ng Meralco ang nasirang poste.

Isang residente rin ang muntik nang liparin ng buhawi.

Kwento ni Raffy Canlas, nakasama sana siya sa mga sanga ng puno na nilipad ng malakas na hangin kung hindi siya nakakapit sa railing ng tindahan.

"Nakaupo ako rito, nanonood akong TV... 'Di na ako makalipat sa kabila, hinihigop ako ng hangin e buti na lang nakakapit ako dito," ani Canlas.

Tinuklap din ng buhawi ang buong bubong ng isang bahay sa San Isidro Street.

Kwento pa ng ilan, bago nalusaw, binuhat at tila iwinasiwas pa ng buhawi ang ilang tricycle.

Nagsilbi umano ang insidente bilang leksyon sa ilang residente na maging handa sakaling magkaroon ulit ng buhawi, pero patuloy silang umaasa na hindi na ito maranasang muli.