PatrolPH

Cavitex C5 Link Flyover Extension, binuksan na sa trapiko

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2022 09:37 AM | Updated as of Aug 14 2022 10:34 AM

MANILA — Binuksan na sa mga motorista ngayong Linggo ng umaga ang Cavitex C5 Link Flyover Extension Segment 3A2, mula Merville hanggang Eulogio Rodriguez Avenue sa Parañaque City.

Ikinatuwa ito ng mga motoristang dumaan sa bagong segment. Ayon sa kanila, masarap nang bumiyahe ngayon dahil walang traffic at maayos ang kalsada.

"Maganda na po ang biyahe dito sa pagtagos ng C5 galing sa Merville kasi dire-diretso na, maganda na yung kalsada, bagong bago na," sabi ng truck driver na si Paul Castaño.

Ayon kay Alden Durian na pupunta sa Taguig mula sa kaniyang bahay sa Las Piñas, "Smooth naman yung biyahe kasi galing sa exit, mabilis na siya... Malaki na yung oras na matitipid."

"Okay naman, maganda... Mabilis, walang traffic eh," sabi naman ng delivery truck driver na si Cleto Antiquina.

Nasa 1.6 kilometro ang haba ng bagong segment na mapakikinabangan ng nasa 15,000 na motorista na dumadaan araw-araw mula Taguig hanggang Parañaque, at vice versa.

Inaasahang paiikliin ng Segment 3A2 ang biyahe mula Cavitex hanggang Makati City, Taguig City, at Pasay City nang 30 hanggang 45 minuto.

Ipinatupad din simula ngayong Linggo ang bagong traffic scheme.

Inilipat sa may Shell C5 Southlink, Barangay Moonwalk, Parañaque City ang bagong entry at exit sa Merville.

Bubuksan din ang service tunnel na manggagaling mula West Service Road.

— Ulat ni Larize Lee, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.