PatrolPH

16 nailigtas sa lumubog na bangka sa Masbate

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2022 03:02 PM

Retrato mula sa Philippine Coast Guard-San Pascual
Retrato mula sa Philippine Coast Guard-San Pascual

Labing-anim na tao ang nasagip matapos lumubog ang bangkang sinaskayan nila sa may dagat sa San Pascual, Masbate nitong madaling araw ng Linggo.

Nasa tatlong oras nagpalutang-lutang sa dagat ang mga sakay ng bangka bago nailigtas.

Ayon sa station commander ng Philippine Coast Guard sa San Pascual, galing ang bangka sa Camarines Sur at papunta sana sa coastal barangay ng San Jose sa San Pascual.

Sinalubong umano ng malalakas na hampas ng alon, hangin at ulan ang bangka kaya pinasok ito ng tubig, na naging dahilan ng paglubog.

Kasama nitong lumubog ang kargang mga sako ng bigas at animal feeds.

May napadaan umanong mangingisda sa kinaroroonan ng mga pasahero kaya unang nailigtas ang 3 bata at nakahingi ng tulong para sa iba pa.

Nasa 3 nautical miles o higit 5 kilometro umano ang layo ng pinaglubugan ng bangka sa pinakamalapit na baybayin ng Burias Island, kung nasaan ang San Pascual.

Matapos mag-almusal kasama si San Pascual Mayor Zacarina Lazaro, inalalayan ang mga pasahero para makauwi sa kani-kanilang mga bahay.

— Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.