PatrolPH

51 lugar sa QC nilagay sa ‘special concern lockdown’

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2021 06:09 PM | Updated as of Aug 14 2021 08:06 PM

Aabot sa 51 lugar ang isinailalim sa special concern lockdown sa Quezon City, ayon sa lokal na pamahalaan. 

Kasunod ito ng pag-akyat ng active COVID-19 cases sa mga residente sa mga apektadong lugar. 

 

Batay ito sa abisong inilabas ng lokal na pamahalaan ng siyudad noong hapon ng Biyernes.

Sa isang post, sinabi ng QC LGU na magpapamahagi sila ng food packs at essential kits sa mga apektadong pamilya at isasailalim sa swab testing at quarantine. 

Watch more on iWantTFC

Sa Barangay Bahay Toro, aabot sa 100 pamilya o halos 300 indibidwal ang apektado ng special concern lockdown sa apat na lugar. Aabot sa 31 active cases sa barangay at inilipat na sila sa quarantine facility. 

Ayon kay Barangay Secretary Marie Sol Reyes-Tala, makatatanggap ng ayuda ang mga apektadong residente at makukuha ang kanilang cash assistance oras na matapos ang 14 araw na lockdown. 

“Per QC LGU, mare-receive nila ang kanilang ayuda. 'Pag natapos na ang kanilang lockdown, 'pag nalift na, puwede nilang kunin direkta sa QC treasury department. Hihingan lang sila ng certificate na katunayan na nakalockdown sila at valid ID," ani Reyes-Tala. 

Simula umaga ng Agosto 14 ay mayroon nang 115,263 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Sa bilang, 6,389 ay aktibon kaso, 107,608 ay gumaling na habang 1,266 ang namatay. 

Nasa mahigit 1.9 milyong COVID-19 vaccines para sa unang at ika-2 dose naman ang na-administer na ng siyudad. — May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.